AGOSTO 16, 2022 — Inilabas ngayong araw ng Kawanihan ng Senso ng U.S. ang mga antas ng kulang at labis na pagbilang para sa mga yunit ng pabahay mula sa Survey Pagkatapos ng Pagbilang noong 2020 (PES, ayon sa akronimang Ingles). Nagbibigay ang mga resultang ito ng pananaw sa kalidad ng mga bilang para sa mga yunit ng pabahay sa 2020 Senso para sa bansa, mga rehiyon, mga estado, District of Columbia, at Puerto Rico, at ng mga piniling katangian at operasyon ng senso para sa bansa.
"Kinukumpleto sa inilabas na balitang ito ang pangkat ng mga resulta mula sa Survey Pagkatapos ng Pagbilang noong 2020," wika ng Direktor ng Kawanihan ng Senso na si Robert L. Santos. "Ito ang isa sa maraming pagtatasa sa sarili na aming ginagawa na nagpapahintulot sa aming kritikal na mag-isip tungkol sa kung paano namin binabago ang aming mga operasyon at plano para sa 2030 Senso.
Nakakatulong ang mga tantiya sa PES na maipakita kung paano lubos na saklaw ng 2020 Senso ang mga yunit ng pabahay sa bansa, hindi kabilang ang mga Malayong Lugar sa Alaska. Upang maisagawa ito, lumikha ang PES ng isang independiyenteng tantiya sa bilang ng mga yunit ng pabahay sa Estados Unidos at Puerto Rico noong Abril 1, 2020.
"Nagsumikap ang Kawanihan ng Senso ng mahigit isang dekada upang bumuo ng kumpleto at wastong listahan ng address para sa 2020 Senso," wika ni Deirdre Bishop, hepe ng Dibisyong Pangheograpiya. Ang isang dekadang proseso ng pagbuo ng listahan ng address na ito ay ang malaking pagbabagong nagsilbi bilang puntong pinagsimulan para sa pagbilang sa mga tao sa tamang lugar sa 2020 Senso."
Inilabas ng Kawanihan ng Senso ang mga unang resulta mula sa PES kasama ang mga karagdagang resulta mula sa 2020 Pagsusuring Pandemograpiya (DA, ayon sa akronima sa Ingles) sa unang bahagi
ng taong ito. Ipinakita sa mga ito ang lakas ng kabuuang bilang ng populasyon ng U.S. at na nag-iba ang saklaw ayon sa mga grupong pandemograpiya gaya ng lahi at Hispanikong pinagmulan, pati na rin ang mga grupo ng edad at kasarian.
Inilabas din ng Kawanihan ng Senso sa unang bahagi ng taong ito ang mga tantiya ng saklaw para sa tao para sa bawat estado at District of Columbia mula sa PES.
Ang paraan ng pagbilang ng Kawanihan ng Senso sa lahat ng yunit ng pabahay sa U.S. ay may kaunting kaibahan sa kung paano binibilang ang populasyon. Ang pangunahing kaibahan ay gumagawa ang Kawanihan ng Senso sa buong dekada upang bumuo ng listahan ng lahat ng yunit ng pabahay sa bansa. Ang listahan ng address na ito na tinatawag na Master Address File, ay ginagamit upang imbitahan ang mga taong naninirahan sa mga address na iyon na sumagot sa senso at mag-follow up sa kanila kung hindi sila sumagot.
Ginagamit din ang listahan upang matiyak na nakalagay sa tamang lokasyon ang populasyon. Ito ay nangangahulugang ang saklaw sa yunit ng pabahay ay nakasalalay sa wastong listahan ng address kaysa sa pagkuha ng mga sagot na kailangan para sa pagbilang sa mga tao.
"Ang mga resultang ito ay nagbibigay ng mahahalagang pananaw na maaaring magpaalam at magbibigay ng motibasyon sa maraming pagbabago at operasyon na nauugnay sa pagbuo at pagpapahusay ng listahanng address mula sa 2020 Senso. Bukod dito, nananatili pa rin ang gawain sa 2020 Senso. Hindi pa kami tapos. Mayroon pa ring malalaking produkto ng data na darating na nagpapakita ng mayamang pagkakaiba-iba ng mga mamamayang Amerikano,” wika ni Santos. "Bilang bahagi ng proseso ng pagbabago, muli naming susuriin ang kung sino kami at titingnan ang mga paraan ng pakikipag-ugnayan sa publiko at stakeholder upang makakuha ng input sa pagdisenyo ng 2030 Senso – isa sa maraming pagsusumikap na paparating upang matutunan kung paano kami, ang Kawanihan ng Senso, makakapag-ambag ng mas nauukol na data sa bansa.”
Bukod sa mga ulat ng Mga Tantiya ng Saklaw sa Senso para sa mga Yunit ng Pabahay sa Estados Unidos at Mga Tantiya ng Saklaw sa Senso para sa Puerto Rico, inilabas din ng Kawanihan ng Senso ang Pinagmulan at Kawastuhan ng mga Tantiya ng Yunit ng Pabahay sa Survey Pagkatapos ng Pagbilang noong 2020.
Makukuha ang iba pang mga ulat, kabilang ang tratado sa pagtatalaga ng mga katangiang pandemograpiya para sa PES at isang teknikal na ulat na naglalarawan ng mga pamamaraan at resultang ginamit upang mabawasan ang mga pagkakamaling hindi pagsagot sa PES para sa mga tantiya sa tao.
###